Wednesday, June 10, 2009

::kilala mo ba ako?

::this is the only good way icould start my blog.. to somehow introduce myself. this a paper written purposively wayback in college.(gosh kakamiss pumasok!) yun nga lang hindi ko pa ito nadudugsungan.. sana isang araw =)

Ako si Dona Ana Manset Ayala..” isang normal at ordinaryong pagpapakilala ko sa klase namin sa PI100. Dinagdagan ko lang ng ilan pang di naman masyadong mahalagang impormasyon tungkol sa aking sarili para naman sa pandinig ng aking mga kasama sa klase ay medyo mahaba ang aking nasabi. Sa bagay, hindi ko naman inakala pang magkakaroon pa rin ng pagpapakilala sa umagang yon. Wala lang, isang normal na umagang kailangan mong sabihin kung sino ka ba. Isang literal na sagot sa isang malalim na tanong. “tama ka, ako nga yon… si Dona Ana Ayala.”
Sabi ng aming guro kailangan daw naming magsulat ng talambuhay. Isang bagay ang unang unang pumasok sa isip ko. Isang palabas sa TV na kung saan sinabi ng bata sa kanyang guro na siya ay nanggaling lamang sa “stork”. Napatawa nga ako noon habang nanonood ng TV. Akalain mong naisip ng batang yon na sa isang ibon lang siya nanggaling. Nakakatawa kung iisipin. Pero paano nga kaya kung ang isang tao ay pedeng manggaling lamang sa kung anu anung bagay sa ating paligid? Kagaya na lamang ni Malakas at ni Maganda na sumulpot lang sa nabiyak na kawayan. Astig no?
Kung sa bagay, maaaari mo rin namang isipin na nagmula ka lang sa wala, o kung gusto mo para naman hindi ka masyadong kawawa eh isipin mong nagmula ka sa hangin, o kaya ay anak ka ng isang bituin. Para makulay ang buhay mo di ba?
Ganyang ganyan ang iniisip ko noong bata pa lang ako. Ang dami kong tanong noon. Saan ba ako galling? Sino ba si nanay at si tatay? Sabi ng kaklase ko nung kinder dapat may nanay at tatay. A pano?wala nga ako nun eh, pede ba kayang bumili non sa SM? O kaya naman sa botika?pero kung nabibili man yon, siguradong mahal yon at di ko kayang bilhin dahil bata pa lang ako.at ayos lang kung walang nanay at tatay, basta may kendi at laruan buhay na ako.
Hanggang ngayon, di ko pa rin sigurado kung saan ba at anong totoong kwento kung paano ba ako ginawa at nabuhay.nagkaisip ako at lumaki sa isang bahay kung saan isang tao lang ang nag aalaga at tumitingin sa akin, yon ay ang lola ko.ayon sa sabi sabi, pero di ko yan tiyak ha, dun daw ako ipinanganak sa Maynila. Sosyal kung papakinggan no?at pagkatapos kong ipanganak, ibinigay na agad ako sa lola ko sa Sto. Tomas sa Batangas yon. Ang mga di umanong gumawa at bumuo sa akin ay nilipad na daw ng malakas na hangin. Yung lalaki, hindi na nagpakita. Yung babae naman na tinatawag ng lola ko na anak, ay di umanoy nagtatrabaho daw sa Maynila para sa pambili ko ng maraming kendi at laruan. Eh anu naman?la akong pake, basta may TV sa harap ko at nkakapanood ako ng Sarah ang Munting Prinsesa, Batibot at kung anu anu pang mga palabas sa TV.
Ayon sa aking magandang memorya, mahilig ako noon na maglaro kasama ang mga pinsan kong mga bata rin. Puro larong Pilipino lang kami kagaya ng piko, tumbang preso, bahay bahayan at ang pinakapaborito kong laruan noon ay putik. Ang saya noon! Meron nga akong gustong ikwento sayo tungkol sa di ko makakalimutang karanasan nung bata ako. Paggising ko pa lang kse sa umaga, karipas na agad ako ng takbo sa bahay ng mga kalaro ko. Lagpas tanghalian na noon at hindi pa ko umuuwi, hindi pa ko naliligo kahit mapalot na ang aking salawal, di pa kumakain at nagsisipilyo. May narinig akong sumisigaw! Yun pala ay ang lola ko, may dalang palapa ng niyog para ipalo sa pwet ko. Wala akong nagawa noon kundi
tumakbo sa kalsada ng walang suot na tsinelas, naisip ko kase na aabutan talaga ako ng palapa ng niyog kung magtsitsinelas pa ako. At sa kasamaang palad, naabutan pa rin ako ng palapa kahit na nakatago ako sa ilalim ng mesang kainan. Simula noon, nangangapitbahay pa rin ako para maglaro. Pero umuuwi na ako pag kakain na. yun na ang una ata huling beses na na palo ako.
Pero kahit ganon ang nangyari, naintindihan ko naman ang pagkakamali ko at pinangarap ko pa rin na ibili si lola ng malambot na higaan sa unang sweldo ko pag lumaki na ako at nagkatrabaho.
Nag aral ako sa paaralan ng mga madre noong bata pa ako. Akala nga ng karamihan, myaman ako. “rich kid” kumbaga. Kasalanan yun ng maganda kong apelyido. Kaya walang ginawa ang mga kaklase ko kundi mangantyaw at magpalibre ng recess, lunch at merienda. Ano namang ipapanlibre ko? Di naman talaga ako “rich kid” ah. Kase wala akong “roller blades” noon. Alam mo ba yon? Yun yung sapatos na may gulong na nauso noong bata pa lang ako. Pero sa pangungulit ko ay binilhan pa rin ako nito.kaya naisip na rin ng mga kaklase ko na mayaman talaga ako, ng dahil lang sa roller blades.. ang hindi nila alam, meron pa akong robot na shaider sa bahay namin! Paborito kong laruan yon na bigay ng ninong ko.
Matalino daw ako kase may medal.pero sa tingin ko noon ay matalino nga ako, may makuha man akong medal o wala. Masipag naman akong mag aral noong bata. Ang paborito ko talaga noon ay “English”. Ang paborito ko namang kainin sa recess ay lugaw na may itlog. At isang araw noon, recess namin, Grade VI ako noon, biglang may lumapit sa aking lalaki, nagtanong, “kilala mo ba si Dona Ana Ayala?” ang bilis kong sumagot noon! “ako po yun!” akala ko kase nanalo ako sa isang raffle sa school namin na mananalo ka ng encyclopedia. May hawak pa akong plastic noon na may lamang softdrinks. Nagsalita yung manong, sabi nya tito ko raw siya, binigyan ako ng kwintas pinapabigay daw ng tatay ko. Tumutulo na ang mga luha ko noon, naalala ko kase ang isang litratong ipinakita sa akin noong bata pa ko. Litrato ng kung ano bang itsura ng tatay ko. At alam kong sya yon.at sa bandang huli, aamin din pala sya sa akin na sya nga ang tatay ko. Oo, yung dating nilipad ng hangin.
Sa paaralan pa rin ako ng mga madre pagdating ng “high school”. Ayon, nagdalaga naman ako. Nagkaroon ng mga tagahanga at mga hinahangaan. Ewan ko ba sa mga yon, bulag ata o kaya naman wala sa mga matitino nilang pag uutak. Tinatanong ko nga palagi kung ano bang meron sa akin. lahat sila pare pareho ng sagot hanggang ngayon. “there’s something in you that I can’t explain.” Ayon, hagalpak ako sa kakatawa pag naririnig ko ang linyang yon. Ano kaya yung “something” na yon. Pede bang tumawa? Hahaha! Bibo pa rin naman ako sa mga gawaing pampaaralan pero aaminin kong tamad talaga ako nung mga panahong yon. Wala akong medal dahil sa math. Iba kase ang patakaran ng paaralang pinapasukan ko pagdating sa mga ganong bagay. Wala daw akong medal kaya dina raw ako matalino.
Wala akong pamilya. Yung bahay na may nanay,tatay at kapatid? Wala talaga. Buti pa nga yung nanay ko eh. May pamilya sya. May anak sya na dalawa at may asawa! Ganon din ang tatay ko! May anak at asawa din sya. Buti pa sila no? meron silang pamilya. Ayos lang naman yon sa akin, meron naman akong notebook at ballpen. Sila palagi ang kausap ko simula pagkabata. Nagkaroon din ako ng mga kaibigang likhang isip lamang. Masaya yon! Pero ngayong malaki na ako, nawala na rin sila. Talaga palang nawawala rin sila pag lumalaki ka na. sabi nila, ayos lang daw kahit wala akong nanay, tatay at kapatid. Sagana naman daw ako sa mga kaibigan.
Hindi ko namalayang tumatanda na pala ang dating batang nausuhan ng bangs at mahilig maglaro ng putik. Akala ko simpleng gigising ka lan, maglalaro, mag aaral at matutulog. Hindi pala ganon ang buhay. May iba pa palang antas na kung saan makakaranas ka ng sakit na higit pa sa hagupit ng palapa ng niyog. Marami yon, na halos akala ko ay mamamatay na ako pero kailangan ko pa palang mabuhay. Marami pa akong pangarap para sa sarili ko at sa mga taong tumulong sa akin. Kailangan ko pa ring pagsikapang tuparin ang mga yon. Konti na lang, at malapit ko nang mabili ang malambot na higaan ni lola.
Ang isa pa sa lalong humubog ng buhay ko ay ang pagmamahal. Malay ko bang mayroong ganon sa buhay. Ang alam ko lang noon ay masaya na akong nginingitian ng aking “crush”. At umiiyak pag uwi ng bahay kapag di nya napansin na may suot akong headband. Malalim na yon para sakin. At akalain mo nga namang dadating ako sa oras na sasabihin kong “ano bang malalim don!mababaw pa yun sa swimming pool na pambata!” nakakatawa na lang kung iisipin. Pero alam mo, kailangan mo lang maging matatag. Akala mo di mo kakayanin, pero kaya mo pala. Dahil sa pagmamahal, marami ang natuto at humanga sa akin. May tumawag pa nga sa aking “idol!” dito ko nalaman ang kapasidad kong magmahal na di ko inaasahang magagawa ko pala. Kahit sarili ko tinatanong ko na rin. “aba ritch, ganon ka palang magmahal?di ko akalain?totoo ba yan? Astig ka pala eh!” pero kahit may tumawag sa aking idol, may nagsabi rin naman sa akin na “kundi ka ba naman saksakan ng tanga!” natatawa na lang ako ngayon pag naiisip ko. Pero alam mo, humanga din ako sa sarili ko kung paano ba ako magmahal. Naniwala na rin ako sa taong tumawag sa akin ng idol at tanga. Pareho lang kase yong nakatulong sa akin.
Pag nga naman buhay pag ibig eh madrama no? parang kelangan palagi ng tissue. Eto, Colloge na ako. At sa wakas natupad din ang pangarap kong makapasok sa UP. Akala kase nila, hindi ako matatanggap dito. Ahem! Pero sa totoo lang, nagulat din ako nung una pero wala eh, ganon talaga ang buhay. Haha! naging sablay din ako, tumigil at nagpakagago. Pero buti na lang ay natuto agad at tumino. Malapit na akong makatapos. Pangarap kong pumunta sa
Europe
. Basta makapunta sa mga bansa sa Europe
. At bumili ng mga magagandang furnitures na nakikita ko sa mall para sa ipapatayo kong bahay.
Malapit na yon alam ko, inaabot ko na ng mga kamay ko. Konting sikap pa, konting tyaga. Alam kong marami pang darating na hirap na mas higit pa sa napagdaanan ko noon. At sigurado kong handang handa na ako para sa mga yon.
At ngayong 20 na ako, di na bata, di rin naman matanda, alam ko nang di ako nagmula sa hangin o sa kawayan. Alam ko na ang ibig sabihin ng nanay at tatay. Wala man akong pamilya pero pamilya na rin para sa akin ang mga taong tumulong at nagmahal ng TOTOO. Alam ko na rin ang pagkakaiba ng mga salitang "idol"at "tanga". At higit sa lahat, hindi na ko mapapalo ng palapa ng niyog. Hindi na.

2 comments:

Kal-El said...

*sniff*

i love you, ate ritch! ♥
andito lang ako always & forever.. :)

ritchee ayala said...

::as always!! mwah!! :)